Isa na namang pilosopong tagpo sa tahanan ng mga Campomanes...
Isang umagang maulan, nagkukulitan na naman ang magkakapatid. Ang pinagtutulungan: Ako.
Habang naghahanda ng payong, nasabi ko sa kanila, “Tumigil kayo dyan. Baka mahampas kayo ng payong nang wala sa oras.”
Ang sagot ng pilosopo kong kapatid: “Bakit, anong oras ba dapat?”
Aba. Wala nakong nasabi dun at ako’y umalis na para pumasok sa trabaho.
Sa jeep, as usual, nag-isip na naman ako. Ano nga ba ang oras ng paghampas ng payong? At ang sagot, di ko alam!
Ang alam ko lang, may tamang oras para sa lahat ng bagay.
Sabi nga sa Eclesiastes 3:1
“Sa bawat bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawat panukala sa silong ng langit.”
Nosebleed ba? Ako din eh. Eto translation:
“There’s a time for everything, and a season for every activity under heaven.”
Masakit ba mahampas ng payong? Oo naman, di ba. Pero minsan, kailangan natin masaktan. Parang pagdidisiplina ng isang ama sa kanyang anak. Ayaw man niya at nasasaktan din siya, kailangan iparanas niya sa anak ang hapdi ng palo para matutunan ng bata ang kanyang leksyon.
Pero may mas masakit ang mas mahirap sa hampas ng payong: PAG-HIHINTAY. May mga bagay o pangyayari na gusto nating makuha o maganap sa oras na ninanais natin pero mas maalam ang Diyos. Alam Niya kung kailan at pano dapat mangyari ang lahat ng bagay. Minsan, hindi pala minsan – MADALAS, kailangan nating maghintay at maghintay at maghintay…
Alam kong iba-iba ang mga pinagdadaanan natin. Ngunit ‘wag tayong mag-alala dahil kung nasaan ka man ngayon, sigurado, lahat ng nangyayari ay ayon sa plano ng Panginoon. Kailangan lang natin magtiwala sa Kanya ng lubusan.
Di naman palaging panahon ng sakit. Syempre, may panahon din ng kagalakan. Ayon nga sa Kanyang salita:
“He has made everything beautiful in its time.”
Ecclesiastes 3:11
Kaya 'wag tayong mainip. Lalo na sa mga singles, hintay lang. Kung hindi baka mahampas tayo ng payong nang wala sa oras. ;)