Thursday, June 16, 2011

Ang Paghihintay ng Jeep sa Anonas

Aurora Blvd. cor Anonas St.
Ang paghihintay ng jeep sa Anonas ay parang paghihintay sa pag-ibig.

Matagal. Nakakainip. Nakakapagod.

Kailangan tumayo at maghintay ng ilang minuto; kapag maulan, ng ilang oras.

Minsan, mas gusto mo na lang sumakay sa kahit anong jeep na hihinto sa harap mo, iba man ang destinasyon. Iniisip mo, mag-dalawang sakay ka man, ayos lang, makarating ka rin sa paroroonan. Pero anong nangyari? Napalayo ka. Dumoble ang pamasahe mo. Mas humaba ang byahe.

Minsan, nang may papalapit na jeep, inakala mong iyon na. Hindi pa pala. Sa iba pa din ang patungo. O kaya puno na, hindi ka na kasya. Pwera na lang kung gusto mong sumabit.

Madalas, dahil dyan, kahit may malaking



sign sa tabi mo, tatambay at papara ka pa rin. Parang ganito:



Bakit? Kasi mahirap sumakay sa tamang sakayan. Kasi nagmamadali ka na. Ganun din naman ang tsuper, hihinto kahit saan pa man, mapasakay lang ang mga nagkukumahog na pasahero -- kesehodang magka-trapik trapik na at maabala ang ibang motorista. Di bale, nakasakay ka naman; kumita ang drayber.

Pero, 'di ba, may dahilan kung bakit nilagay ang sign na 'yon doon?

Nakasakay ka; kumita ang drayber.

Pero natuto ka bang maghintay? Nagkaroon ka ba ng disiplina? Rumespeto ka ba sa mga kinauukulan? Natuto ka bang magtiwala na dadating ang tamang sasakyan sa tamang oras at tamang lugar?

Ginagawa naman daw 'yon ng lahat. Minsan nga di lang sa pagsakay at pagbaba sa jeep. Pwede rin na ganito:






Kung ginagawa ng lahat, gagawin mo na din ba?

At kung hindi tayo mapagkatiwalaan sa maliliit na bagay, paano pa kaya sa malalaking bagay? Sabi nga:

"Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay."
Lucas 16:10

Ang pag-ibig ay isang malaking responsibilidad. Kung nagtataka at nagtatanong ka bakit hindi pa ito dumadating sa'yo, natanong mo na ba ang sarili mo: handa ka na ba? Naging tapat ka ba sa mga maliliit na responsibilidad na ipinagkatiwala sa'yo?

Kung hindi pa, ito na ang pagkakataon na pag-aralan mong maghintay; disiplinahin ang sarili; rumespeto sa kinauukulan; at, magtiwala sa pangakong dadating din iyon.

Kung ang sagot mo ay oo. Hmm.. Konting hintay pa. Naghintay ka na din naman.

Ang paghihintay ng jeep sa Anonas ay parang paghihintay sa pag-ibig.

Matagal. Nakakainip. Nakakapagod.

Pero dadating ang tamang jeep at hihinto sa harap mo kahit 'di mo parahin. Hindi maipagpapalit ang kapayapaan at kasiyahan ng sandaling nakasakay at nakaupo ka na sa tamang sasakyan na pinagtyagaan mong hintayin.

Ikniwento ko ito sa kaibigan ko, ang tanong niya: Bakit kasi hindi ka na lang nag-taxi?

Tiningnan ko siya ng diretso at malalim.

Nasabi ko na lang, "Huwag ka ngang magulo. Sinisira mo ang moment ko." :p

No comments:

Post a Comment