Saturday, September 8, 2012

Ang Tunay na Lalaki

Setyembre 1, 2012


Sabado.

Tanghali. Late na ako sa meeting. Nakakahiya naman, o. May humintong jeep sa tapat ko. Nagdalawang isip ako kung sasakay ako o hindi. Ang mga pasahero: dalawang mag-asawang may edad na, tatlong lalaki, isang bata na anak siguro ng isa sa mga lalaki at isang aso na bitbit ng isa sa mga lalaki. Oo, isang aso sa pampasaherong jeep. Dahil nga sa nagmamadali na’ko, wala na akong karapatan maging choosy. Nakabusal ang bibig ni Bantay (pinangalanan ko na talaga siya) kaya mukang safe naman siya. Pero siyempre dun pa rin ako umupo sa malayo.

Katulad ng dati, mabilis pa sa takbo ng jeep ang takbo ng isipan ko. Nakarating na yata ako sa Pluto. Pero iba ang biyahe na ‘to. Pasimple, tiningnan ko ulit si Bantay at ang manong na may dala sa kanya. San kaya sila papunta?

Magkakakilala pala ang tatlong lalaki. At tama ako, yung bata ay anak nga nung isang manong. Mautak daw si kumander, wika niya. “Pinasama ‘to (tinuro ang bata) para daw siguradong uuwi ako ng maaga.” Napunta ang usapan nila tungkol sa kanilang trabaho. Damay na pati ang boss nila. Bandang huli na ng maintindihan ko kung bakit kasama  nila si Bantay. Masarap daw siya ‘pag niluto sa tomato sauce.

Sa isip ko, HA? Pulutan pala. Kawawang Bantay.

Nakakalungkot. Dahil gagawing pagkain si Bantay ng wala sa oras. Pero mas nakakalungkot ang realidad na ang nagiging batayan ng pagkalalaki ay gano ka kalakas uminom at ilan na ang babaeng pinaiyak mo.



Tatlong lalaki. Haligi ng tahanan. Hindi ko po nais manghuhusga ng ibang tao. Ngunit sa mga sandaling iyon, naisip ko: Nasaan po ang asawa nila? Ang mga anak nila? Kumain na kaya ng tanghalian? Pwedeng oo, pwedeng hindi.

Sa puso ko, umasa ako na may ibang bagay na pwedeng pag-ukulan ng panahon at pera ang mga ama na’to. Sana sa mas makabuluhang bagay nila nilaan ang kanilang oras. Naiisip ko, ilang mga tatay ang katulad nila? Isa pang nakakalungkot na katotohanan: Marami pa.

Sa puntong ‘yon, kinausap ko ang Panginoon at itinaas ko ang lahat ng tatay at magiging tatay sa bansang ito. Na ang Diyos nawa ang kumilos ang magtaguyod ng mga lalaki na may pagmamahal sa Kanya upang maging responsableng mga ama. Mga ama na aalagaan at gagabayan ang kanilang asawa at mga anak. Magsisikap at pagyaymanin ang mga biyaya na ipagkakatiwala sa kanila ng Diyos.

Hapon.

Nanggaling ako sa volunteer’s rally ng RightStart Foundation at papunta sa Cord of 3 Strands meeting sa Promenade, Greenhills. Nakisabay naman ako sa sasakyan kasama ang tatlong kaibigan na lalaki. Kung saan saan din napunta ang usapan nila. At habang nakikitawa sa mga biruan at kulitan nila, naalala ko ang tatlong lalaki sa jeep at ang aking maikling panalangin.

Tatlong lalaki. Ang mga kaibigan ko ay pwede rin maging katulad ng tatlong manong sa jeep. Kung gugustuhin nila, meron din silang dalang aso at mga rekados para sa ulam na ipapares sa alak. Pero pinili nilang ilaan ang panahon at lakas para tumulong sa mga nangangailangan.

Tunay na buhay ang Diyos dahil kumikilos siya sa puso ng tatlong lalaki na ‘to. Ang Diyos ang patuloy na nagbubuhos ng Kanyang pagmamahal at kadakilaan sa buhay nila. At iyon din ang humuhubog sa kanilang karakter upang maging mga tunay na lalaki at balang araw, mga tunay na ama.


At ang isang masayang paalala sa’kin ng Panginoon: Marami pa sila. Patuloy lang natin itaas sa Kanya ang ating ama, kapatid, pinsan, kaibigan, ka-ibigan, tito, lolo, boss, katrabaho, guard, janitor at lahat ng kalalakihan sa buhay natin.

Kung ikaw naman ay isang lalaki, ang hamon at tanong ko sa'yo: Isa ka bang tunay na lalaki?

P.S.
Gusto ko lang bigyang pugay ang tatlong kolokoy, este, lalaki na nakasabay ko sa sasakyan. Nawa'y patuloy kayong maging magandang halimbawa sa mga kapwa niyo kalalakihan.

Val Baguios III -
IT Service Desk shift supervisor,
Author of Brokenmindset.org
Mark Ezekiel Cahiles -
Interior Desinger by profession,
Photographer by passion
Dave Milton Uy -
Marketing Specialist


No comments:

Post a Comment