Thursday, October 25, 2012

Taympers Muna


"Taympers! Taympers!"

Naalala ko si Kenneth (hindi niya tunay na pangalan), tulo ang sipon, sumisigaw.

"Taya ka na!" duro niya kay Toti (kapangalan lang ng kuya ko).

Pinandilatan ni Toti si Kenneth.

"Hindi kaya! Hindi mo naman ako nahawakan."

"Nahawakan kita!"

"Hindi! Wala akong naramdaman!"

Lahat ng mga bata ay sisigaw ng,"Ah burot! Burot!"

"Ang duga nyo! Ayoko na nga!"

*burot (boo-rhot) - laging taya
*duga (doo-gah) - daya; maduga - madaya

Nakatulis ang nguso, nagpupunas ng sipon gamit ang harap ng sandong putim (puti + itim), padabog na pumasok ng bahay si Kenneth.

Sino sila? Sila ang ilan sa mga kalaro ko sa kalye nung musmos pa ako, kung kelan ang mahalaga lang ay matulog, kumain, maglaro, at maglaro ng maglaro.

Patintero, agawan-base, taguan, tumbang preso, bangsak, langit-lupa, shake shake shampoo, luksong baka, luksong tinik, ten-twenty, piko at jumping rope (aylabyu teleber teleber). Kung nalaro mo ang mga ito sa kalye nang naka-paa lang, umakyat sa puno ng aratilis, nag-amoy araw kahit gabi na at umuwi sa bahay nang may malaking sugat sa tuhod, welcome to my generation! Relate tayo at tiyak 'di nagkakalayo ang edad natin.
Ang "The Hulk" ng Victory Greenhills :p
Photo © Bryan Villamor

Hindi ba't nakaka-miss balikan at sariwain ang mga alaala ng ating kabataan?

Ngayon, ang ka-patintero natin ay ang mga tao sa Makati o mga bus sa Edsa. Ang kaagawan-base ng mga lalaki ay ang karibal sa nililigawan. At may mga kalaro tayong wala na dito sa lupa. May ilang nagtatanong, nasaan kaya sila napunta, sa langit o sa im-impyerno?

Salamat sa Victory Greenhills Singles family ko at naiisipan nilang bumuo ng event na pinamagatang "Taympers". Ginanap ito noong Oktubre 20, 2012 sa La Mesa Eco Park.
Team Orange "OA" - Winners!


Sa mga henerasyon ng PS2, PSP, PS3, Wii, XBox, iTouch, iPad, Angry Birds, Plants vs. Zombies at World of Goo, ang salitang taympers ay hango sa Ingles na salitang time first. Sa madaling salita, tigil muna ang laro kasi:

a. ihing-ihi ka na, di mo na kayang pigilin
b. tinatawag ka na ng nanay mo para matulog sa hapon
c. feeling mo kanina ka pa taya at dinadaya ka na ng mga kalaro mo
d. lahat sa nabanggit

Mahigit siyamnapu kaming mga binata at dalaga na nagbuhay totoy at nene muli. Nag-taympers muna at kinalimutan ang pending na trabaho. Nagpawis nang 'di nag-aalala kung nagusot ang corporate attire o kung kailangan mag-retouch na.

Ang sarap maging bata ulit kahit isang araw lang! Ang saya saya! Sabi ko, sana ganito na lang ulit. Bakit ganun? Dati, nung bata tayo gusto na natin maging matanda. Ngayon, matanda na tayo, gusto  naman natin maging bata.

Kasi sa pagtanda natin, na-realize natin na ang buhay, nakaka-burot pala. Feeling natin lagi na lang tayong taya; pinagtutulungan. Feeling natin hindi sapat ang kinikita o sinusweldo sa dami ng gastusin. Feeling na baka tumandang binata/dalaga kasi hanggang ngayon wala parin yung promise ni God na right person.

Kahit maglaro tayo sa kalye maghapon, pag-uwi natin, andyan pa rin ang bayarin sa kuryente, tubig, renta at tuition; andyan pa rin ang sakit na matagal nang tinitiis; andyan pa rin ang pagkutya, pagdead-ma at pagtakwil ng mga importanteng tao sa buhay natin.

Sana bata na lang tayo ulit.

Pwede naman, eh!

Sasabihin mo, Katerina, hindi ako nag-Medicine and/or nag-Law at nakapasa ng board and/or bar exam para lang sabihan mo na bumalik ako sa pagkabata. Gusto mo maglaro na lang ako at 'wag na tuparin ang mga tungkulin ko?

Siyempre, hindi. Mag-long islivs at kurbata ka pa rin; mag-stilleto at mag-foundation ng todo-todo. Pumasok ka sa trabaho o mag-negosyo. Pero ito ang tandaan mo: Ang bata 'pag napagod, taympers lang. Pahinga o inom ng tubig, game na ulit. Bilang matatanda ngayon, pwede pa rin tayo mag-taympers. Pero kulang ang energy drink o isang pitsel ng kape na may double, triple, quadruple shot ng espresso. 'Pag nag-taympers tayo, isa lang ang katapat niyan:

Si Jesus.

Lang.


Si Jesus. Lang? Korek ang nabasa mo.

"Come to me, all you who are weary and burdened, and I will give you rest."

Matthew 11:28

Sabi Niya, ALL you who are weary. Bata, matanda, paslit, propesyonal. ALL. Siguro naman lahat tayo napapagod at nabibigatan sa mga hamon ng buhay. Kung hindi ka nakakaramdam ng pagod at ALL, aba, halika dito at i-share mo ang sikreto.

Siya yung rest na napagod ka, taympers, hinga, inom tubig, tapos okay na. Ang the best pa nito, alay Niya'y kapahingahan para sa lahat ng bagay. Pisikal. Emosyonal. Sikolohikal. Pinansyal. Kapahingahan sa kabila ng lahat ng kabigatan.

Naalala mo nung nagkasugat ka sa tuhod tapos sabi ng lola mo may lalabas na kanin doon? Naniwala ka 'di ba? Natakot ka nga eh at nag-abang pa kung may lalabas talaga. Oh,  'wag mong sabihing hindi.

Ngayon, ito naman ang paniwalan mo: Dahil sa pagka-lampa natin dulot ng kasalanan, out na dapat tayo; game-over na. Pero dahil mahal tayo ng Diyos, pinadala Niya si Kristo para i-save tayo, bigyan ng buhay at makasali ulit sa laro.

Neknek mo, Yna. Ganun ka-simple?

Oo, peksman. Cross my heart. Hope to die.. (and live again with Christ).

'Wag ka na magduda. Parang isang bata, maniwala ka na lang.

"Let the little children come to me, and do not hinder them, for the kingdom of God belongs to such as these. I tell you the truth, anyone who will not receive the kingdom of God like a little child will never enter it."

Mark 10:14-15

Pag si Jesus ang kasama mo, hindi pa naman magsisigawan ang lahat ng: uwian na, uwian na! Tuloy parin ang laban. Pero wala na tayong kailangan gawin. Tapos na. Nakalusot na Siya sa linya ng kamatayan; naagaw na Niya ang base ng kalaban. Ilang beses ka man ma-burot sa buhay, panalo na. PANALO NA.

Ang tanong na lang, sino ang kakampi mo?


No comments:

Post a Comment