(Huling Hirit sa Buwan ng Pag-ibig)
Patapos na ang Buwan ng Pag-ibig.
Iniisip ko ngayon, kamusta kaya ang iyong Balentayms?
Ako? Nakatanggap naman ako ng isang tangkay ng rosas. Salamat sa kliyenteng naging tradisyon nang bigyan ng bulaklak lahat ng taga-bangko tuwing ika-14 ng Pebrero.
Kung hindi ka nakatanggap, ‘wag ka magdamdam. May ikukwento ako sa’yo…
May sampung taon na rin ang nakakaraan ng mabasa ko ang isang lathala sa Light Touch Christian Magazine na pinamagatang “Rosas o Tsinelas?”. Ito ay kwentong-buhay ng may-akda kung saan isinalaysay niya kung paano, sa paglipas ng panahon, nagbago ang pananaw niya sa pag-ibig.
Noong una, katulad ng karamihan sa aming mga babae, nasasabik siya na makatanggap ng mga rosas sa Araw ng mga Puso. Inggit na inggit daw siya sa mga babaeng pakendeng-kendeng sa pasilyo, bitbit ang mga rosas na kanilang natanggap. Tanong niya sa sarili, kailan kaya may mangliligaw at magreregalo sa kanya ng mga bulaklak?
Hindi nagtagal, nasagot na ang kanyang tanong. Isang makisig na lalaki ang nangligaw at nagbigay ng mga bulaklak, tsokolate at kung anu-ano pa. Naisip niya, baka ito na ang “the man of her dreams”. Hindi na siya nag-atubiling ibigay kay lalaki ang matamis na OO.
Ngunit ilang buwan pa ang lumipas bago niya natuklasang may-asawa at pamilya na ang lalaking iyon. Ang prince charming niya, biglang naging frog prince.
Dali-dali siyang nakipaghiwalay. Gayun pa man, nasaktan siya ng todo at simula noo’y naging mailap sa pag-ibig. Ginugol niya ang panahon sa trabaho.
Lumipas ang mga taon, muli’y may nangligaw sa kanya. Ang lalaking ito’y malayo sa kanyang tipo. Medyo baduy pa nga raw pumorma at hindi siya binigyan ng kahit isang tangkay ng bulaklak – hindi raw kasi praktikal. Pero ang lalaking ito na kumakatok sa kanyang puso’y masipag, magalang, mapagmahal, maunawain at matiyaga kahit nagpakita siya ng kawalan ng interes sa pakikipagrelasyon. Ang mga katangiang ito ang dahilan para mapamahal siya sa lalaki na noong una’y inaayawan niya.
Pagkaraan ng maraming taon, malalaki na ang mga anak nila, pati na ang waistline niya. Oo, tumaba raw siya pero di pa rin nagbago ang pagmamahal sa kanya ng kanyang asawa.
Pinakapaborito at pinaka-tumatak sa puso ko nung i-quote niya ang mga linya sa pelikula ni Regine Velasquez at Richard Gomez. Ang sagot ni Jaime Fabregas nung tanungin ni Richard kung paano raw malalaman na tunay na pag-ibig ang dumating sa'yo:
"Alam mo, 'yung totoong pag-ibig, parang tsinelas na luma. Magsuot ka man ng iba't ibang klase ng sapatos, pagdating mo sa bahay, 'yung lumang tsinelas pa rin ang hahanapin mo. Masarap isuot kaysa bago kasi lapat na lapat sa paa mo."
Dagdag pa niya:
"Ang tunay na pag-ibig ay talagang parang tsinelas kasi walang silbi 'yung isa kapag nawala 'yung kapares."
Tumpak.
Naalala ko ang anekdota ni Jose Rizal. Minsan, siya’y namamangka kasama ang kanyang mga pinsan. Hindi sinasadyang nahulog sa tubig ang isang kapares ng kanyang tsinelas. Inagos ito, dahilan para hindi na niya makuha. Walang kaabug-abog ay itinapon din niya sa tubig ang natitirang kapares ng tsinelas. Ano raw ba kasi ang silbi ng isang pirasong tsinelas. Naisip niya, kung sakaling may mangingisda na makapulot ng magkapares na tsinelas, maipapagamit pa niya ito sa kanyang anak.
Isa pa, tayong mga Pinoy, nasanay tayo na kahit maghapon tayong naka-Nike o kaya Prada o Otto pa man yan, pag-uwi natin sa bahay, tiyak na huhubarin pa rin natin ang ating mamahaling sapatos at hahanapin ang ating lumang tsinelas.
Pagkatapos ng isang mahabang araw ng pakikipagsapalaran sa buhay, kay sarap magtanggal ng sapatos at magsuot ng pambahay na tsinelas. May kagat-kagat man ito ng aso at pudpud na pudpod na, ayos lang kasi lapat na lapat na sa iyong paa. Makabili ka man ng bagong Havaianas, hahanap-hanapin mo pa rin ang luma mong Islander.
Ang tsinelas, parang Diyos at kanyang pag-ibig. Kung wala Siya, wala rin tayo.
Marami man ang dumating sa buhay natin, nag-aalay ng mga materyal na bagay na hindi tumatagal, iba pa rin ang mismo at wagas na pag-ibig ni Hesus. Iyon at iyon pa rin ang kukumpleto sa bawat araw natin.
At sana, ang pag-ibig sa iba’y maging katulad rin ng tsinelas, kahit saan mo itapak, magkatuwang pa rin. Pagdating sa pag-ibig, piliin mo yung pangmatagalan. Yung sasamahan ka sa paglalakbay sa buhay, saan ka man makarating
Ang pinaka-maganda at pinakamabangong rosas ay nalalanta rin pero ang kapares na binigay sa’yo ng Panginoon, lumain man ng panahon, hinding-hindi mo ipagpapalit.